
“Fau may naghahanap sa iyo!” ang wika ng isang batang taga-samin. Wala naman akong hinihintay, pero dagli kong tinungo ang pintuan, bumaba sa hagdanan at tinungo ang kinaroroonan ng naghahanap sakin. “Kamusta?” ang nakangiting wika niya. Nakaminiskirt siyang maong, nakatakong at nakaputing sando. “O! eto ayos lang, ikaw? Kayo?” ang natataranta kong naisagot sa kaniya. Biglang nagbago ang itsura niya, nawala ang ngiti – at tanging napansin ay ang namumugtong mga mata. Alam ko na ang gagawin ko, “O bakit? me problema ba? nag-away ba kayo?” ang wika ko sabay aya sa kanya papasok sa bahay. Dumiretso kami sa kwarto ko. Umupo ako sa upuan at siya ay sa higaan.
“Ano?” ang tanong ko. Nanatili siyang nakayuko. “Gusto kong uminom…” ang wika niya. “Ano ba kasi ang problema mo?” ang muli kong tanong. Tumayo siya, lumabas sa pintuan… Sinalo ng mga palad ko ang sarili kong mukha. Ano na naman kaya ang nangyari, Bakit na naman kaya siya nandito? Naguguluhan ako.
Bumalik siya, may bitbit na plastik. Tinanggal niya ang mga laman nito. Naknamputsa! Bumili siya ng malaking Gilbeys, Lime Juice, Yosi at pulutan. Kumpleto, wala nang maitatanggi pa. Muli siyang umalis bumalik na may dalang yelo at baso. Saka ko naisip… alam na alam pa rin niya. Ang tindahan, ang mga kinalalagyan ng ref at ng mga baso.
Hindi na ako tumanggi, sinimulan namin ang inuman. Unti-unti ang paglalabas niya ng mga nais iparating. Mahaba ang mga litanya niya. Hindi ako nagsasalita, tumutungo lamang kung kibnakailangan. Hindi ako nagbibigay ng opinyon o anupaman. Nadala na kami ng tama ng iniinom namin. Namumungay na pareho ang mga mata… matitindi na ang mga usapan. “Teka lang ha!” ang paalam ko saka nagtungo sa aparador. Binuksan ko… nang bigla niya akong niyapos mula sa likuran. “Na-miss kita… SOBRA!” ang wika niya. “Oo na… sige na mare, dun kana!” ang natatawa kong wika. Kumuha ako ng sando, kanina pa kasi ako nakahubad-baro. Naghahandang ihatid siya anumang sandali.
Pagbalik ko.. tahimik niyang pinagmamasdan ang tagayang-baso namin. “UY!” ang panggugulat ko na hindi niya pa rin inalintana. Ngumiti siya. Umupo ako sa tabi niya…. Nang bigla niya akong halikan. Sinibasib niya ako ng halik. Niyakap niya ako.. Nadala ako sa mga pangyayari. Niyakap ko rin siya, napahiga kami sa higaan. Naghahalikan. Nag-aalab. At muling nagbalik ang nakaraan.
Nakatitig ako sa kisame, nakahiga siya sa aking bisig. Nakayakap. Nang biglang tumunog ang cel ko. May nagtext.
“Pare, nandiyan ba si _______? kanina pa umalis eh.” —Ronnie.
“Oo Pareng Ron, nandito siya, nag-inuman kami…” —Fau.
“Ah ganun ba? Pasensiya na Pare ha. Susunduin ko na lang siya diyan maya-maya.” —Ronnie.
“O sige tol, sabihin ko na lang sa kanya…” —Fau.
Nagpahinga pa ako sandali. Ginising ko siya. Nagbihis kami pareho. Maya-maya dumating na si Ronnie. Nagkatitigan na lang kami ng aking ex-pinakamamahal. Nagtataka siya kung bakit naroroon ang asawa, dala ang anak nila, ang inaanak ko.
“Pare, gusto mo bang uminom?” ang alok ko. “Hindi na pare me pasok pako bukas eh! next time na lang siguro.” ang tanggi ni Ronnie. “O sige ikaw ang bahala…” ang wika ko. “Oh siya pare, alis na kami, next time na lang.” ang paalam ni Ronnie, nanatiling tahimik si ex-pinakamamahal. Inakbayan siya ni Ronnie. Nilingon niya pa ako nang papalayo na sila. Malungkot ang mga mata niya. “Hatid ko na kayo sa sakayan!” ang alok ko. Nagkukuwento si Ronnie sa daan, buhay-opisina, buhay-may-asawa. Tahimik lang si ex-pinakamamahal. Nagpaalaman at nagkamayan pa kami ni Pareng Ronnie bago sila sumakay… “Fau, sa susunod na lang ha!” ang malungkot na wika ni ex-pinakamamahal, kasabay ang pagyakap sakin at paghalik sa labi. Nakaharap ako kay Ronnie. Nagitla kaming pareho ni Ronnie, saka siya napayuko. Naunang pumasok sa sasakyan si ex-pinakamamahal. “Pare pasensiya na nalasing ata ng todo si misis.” ang pasensiya ni Ronnie. “Pasensiya na rin Pare. at Sorry!” ang wika ko sabay talikod. Diretsong pauwi.
Hindi na ako lumingon. Baka makita pa nilang tumulo na ang luha ko.